Lucy Torres, tatakbong mayor ng Ormoc City sa Eleksyon 2022


September 18 ------ Kinumpirma ni Ormoc Mayor Richard Gomez na hindi tatakbong senador sa Eleksyon 2022 ang kaniyang asawa na si Leyte Representative Lucy Torres-Gomez. Sa halip na senador, posisyon bilang alkalde ng Ormoc ang tatakbuhan ni Lucy, na kasalukuyang hawak ni Richard. Hindi pa malinaw kung tatakbo naman bilang kongresista ang dating aktor. Una rito, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III sa mga mamamahayag ang naturang plano ni Lucy.


“Former Speaker Pantaleon Alvarez just met with Lucy. She has decided not to run for the Senate and instead for Mayor of Ormoc,” sabi ni Sotto, tatakbong bise presidente sa Eleksyon 2022, katambal si Sen. Ping Lacson. Nasa Ormoc sina Sotto, Lacson at Alvarez, para sa kanilang biyahe mula sa Iloilo patungong Bacolod. Nitong nakaraang buwan, sinabi ni Lucy na hindi pa siya nakakapagplano para sa darating na halalan.


Noong Hulyo, inihayag ni Sotto na kasama si Lucy sa senatorial line-up na sa binubuo ng kanilang tambalan ni Lacson. Miyembro si Lucy ng PDP-Laban, at kasama rin siya sa binubuong senatorial slate ng administrasyon.


Source: gmanetwork.com